Thursday, September 25, 2008

Buhay America


Andito ako sa USA. Kasama ang aking pamilya. Nong kadarating lang namin dito, halos mabaliw ako. Walang katulong, walang kapitbahay na pwedeng istorbohin at hiraman ng toyo, at walang mapag-iiwanan ng mga bata kapag gustong manood ng sine o lumamyerda. Ipinangako ko sa sarili kong babalik din ako. To the tune of Gary V's "Babalik ka rin".


Fast forward ang mahigit isang dekada, natuto akong tumayo sa sarili kong paa. Nakaya kong buhayin ang aking mga anak na walang yaya. Natuto akong gawin lahat ng gawaing bahay at naging all-around: yaya, katulong, labandera, driver, accountant, negotiator at asawa. Lahat yon nagampanan ko kahit paano. Hindi perpekto pero okay lang.


Mahal ko pa rin ang aking bansang sinilangan. At sa aking pagtanda, balak kong doon manirahan. Sa ngayon, heto ako. Naninirahan sa bansa ng iba at nakikibagay sa mga naririto. Pero Pinoy na Pinoy ako. Sa isip, salita at gawa.


Sa mga susunod kong posts, magke kwento ako ng tungkol sa buhay naming mga Pinoy dito. Maaaring narinig nyo na. Pero magke kwento pa rin ako. Malay nyo, baka iba naman pala ang version ko.


image credits: www.papemelroti.com


Thursday, September 18, 2008

Bating Panimula

Matagal ko nang gustong magsulat tungkol sa aking buhay. Hindi dahil KSP ako o dahil gusto kong ipangalandakan ang aking buhay sa ibang tao kundi para sa akin. Sabi nga ng isang nabasa ko: mas mura daw ang blog kesa therapy. Eh kasi naman lahat tayo merong kanya-kanyang drama sa buhay, skeletons in our closets ika nga. Maaaring hindi masyadong ma-drama ang buhay ko, feeling ko lang yata. Pero para sa akin importante ang lahat ng pangyayari sa buhay ko. At kung ang aking kwento, ang aking journey through life ay makatulong sa ibang "lost souls" ay okay na ako. Mas maganda kung merong matawa sa jokes ko at maiyak sa mga makabagbag-damdaming posts ko. Feeling ko may saysay ang buhay ko kahit paano. Making a difference in a stranger's life, kumbaga.

Sino nga ba ako? Isa akong babaeng tinatahak ang landas ng buhay. Sinusubukang gawin ang tama at sumunod sa batas. May mga pagkakataong hindi maganda ang mood ko. Lalo na't hindi pa ako nakakapag-kape sa umaga. 

Isa akong Ina. At ibig sabihin nito, bawal ang magkasakit, bawal ang hindi asikasuhin ang pamilya, bawal ang magmukmok sa isang tabi. Kung hindi man, gagawin ko ang mga ito kapag wala ang pamilya ko. At habang andyan sila, kelangan normal ako - maasikaso, mapagmahal, mapagkalinga. Pero tao lang ako, at minsan lumalabas din ang masama sa akin. Sabi ko nga sa mga anak ko - sa bawat tao, merong masama at merong mabuti. Nasa sa atin nang ipanalo ang mabuti at alisin ang masama. 

Isa akong kapati. Meron akong dalawang kapatid na nakababata sa akin. Ako ang pinaka-panganay na anak, apo at pamangkin sa aming angkan. Talk about pressure. Malas lang nila 'di ako drop dead gorgeous. Pero so far naman sabi nila mabait daw ako. Good deal na din naman 'di ba? Sige na nga, okay na ding consolation prize. 

Isa din akong anak. Noong teenager ako meron din akong dinaanang rebellious stage gaya ng lahat ng normal na teenagers. Nagdadabog ako at nakipag-away sa aking mga magulang. Tinumbasan na lang ng limang Our Father, Glory Be at Hail Mary. Pero nung lumaki na ako't magka-isip, friends na kami ng parents ko.

Isa akong kaibigan. At loyal pa kamo ako. Ipaglalaban kita kapag kaibigan kita at alam kong nasa tama ka. Pero pag may mali ka din naman eh sasabihin ko sa 'yo.

Marami akong bagay sa maraming tao. Sinusubukan ko sa abot ng aking makakayang makisama at makibagay depende sa kahalubilo ko. Hindi ako mabuti at hindi din ako masama. Pero tina-try ko sa abot ng aking makakayang maging mabuti. For world peace.

Salamat at andito ka sa aking nuknukan dito sa web. Sana ma-entertain ka, makapulot ng aral, matawa, maiyak o kaya magkaroon man lang ng saysay dito sa araw na ito.